Tao..Saan ka Patungo? (By: George Fosana)
Isang hiwaga na ang kimpal na alabok nang mahingaha’y naging nilalang sa paraisong kinapal… Binigyang laya at karapatang maging hari ng kanyang kaisipan Sumasagwan sa ilog ng buhay Na di turol ang landas na tatahakin… …mabato …minsa’y malalim ang tubig na tila bahaw sa katahimikan …matinik ang mga siit ng bakawang humahampas ang mga dahong tumatampal sa nanlalamig na pisngi sandaling dadako sa maingay na lagaslas ng tubig na tila naguunahang makahimlay sa dulo ng karimlan. Mahaba ang paglalayag subalit bawat paglipas ng sandali ay nagbibigay ng ibayong lakas sa katawang pinanday ng karanasan iba’t ibang hugis…kanya kanyang pangarap ang panahon ay tila napakadaling sandali na ating ninimnimin napakaraming ugat… ….napakaraming daan ang nilalagusan ng batis ng buhay naghihintay kung saan papadparin ng along humahawak sa bangkang papel na patuloy na aanurin ng panahon at pagsubok… kung saan hahantong ay isang hiwagang sasagutin ng isang paslit na walang muwang sa mundo…doon sa ibayo …maghihintay …magtitiis … hahanapin ang buhay sa kabila ng kabilang pampang pasasaan ba’t tao’y dadalhin ng kanyang pangarap doon sa dulo ng ilog upang hagkan ang karagatang naghihintay ng di malirip na katanungan..Source